Sa pagtunog ng alarm clock kasabay ng iyong pagbangon, maghihilamos ng tubig na nagmumula sa gripo, magluluto ng almusal at habang iniintay ito ay hahawakan mo ang iyong cellphone at magbro-browse sa internet. Hindi ba’t sobrang moderno na ng buhay? Ngunit ano nga ba ang nakatagong lihim ng makabago at modernong mundo na atin na ngayong kinabibilangan? Maaaring hindi natin alam ang lahat ng nangyayari sa ating lipunan at kung ano ang masama o mabuting epekto na naidudulot nito sa atin.
Si Marco Melgrati ay isang Italian freelance illustrator mula sa Milan, Italy. Mayroon siyang kakaibang paraan para iparating ang mensahe ng kanyang art. Ang kanyang medium na digital media ay hinahayaan siyang lumibot at tumira sa iba’t-ibang lugar para magtrabaho at tinawag itong digital nomad.
Hatid ng kanyang ilustrasyon, makikita natin ang malungkot na katotohanan sa modernong lipunan na ating ginagalawan. Binigyan niya ng ibang perspektibo ang ilang pangyayari at larawan na karaniwan na lamang nating nakikita. Ito ang ilan sa kanyang mga gawa at subukan nating alamin kung ano nga ba ang nais iparating nito.